Gaano Ka Ba Ka-Pinoy (Unang Bahagi)

Mabuhay! Kumusta ka kaibigan?

Pero teka, bago pa tayo lumayo sa usapan, isa lang ang gusto kong itanong sa ating lahat na Pinoy —- gaano ba talaga tayo “ka-Pinoy” ?

Ang ibig kong sabihin ay kung paano ba natin inaakap ang pagiging Pinoy natin. Maging ito ay sa pagsasalita, sa tinatangkilik na musika, sa pananamit, sa pagkain at sa iba pang bagay na talagang masasabi na PInoy tayo.

Nagtala ako ng ilang bagay na siguro ay kahit papaano ay mapapatunayan ko na kahit ako’y nasa malayong lugar at wala sa bansang sinilangan ay patuloy pa rin ang puso’t isipan sa pagtangkilik sa aking kulay kayumanggi.

Hindi ko naman masasabi na ako’y tunay na makabayan, ang sa akin lang ay gusto ko talagang madama ang pagiging Pinoy ko.

Magsimula tayo sa musika.

Kaya kong tugtugin sa gitara ang Lupang Hinirang nang buong-buo na may konting harmonya. Mas matutuwa ako pag ikaw na gitarista ay tinanong ko kung ano ang alam mong tugtugin sa gitara at dali-dali mong sasagutin na —- “…kaya kong tugtugin o tipahin ang pambansang awit natin na Lupang HInirang! ”

Kadalasan kasi ay puro pasakalye lang ng mga maka-Kanlurang awitin (western music) ang kaya ng ibang tugtugin.” Father and Son” ni Cat Stevens, “Wonderwall” ng Oasis, ” I Was Only Joking” ni Rod Stewart, “You’re All I Need” ng White Lion, “Never Say Goodbye” ng Bon Jovi, at ang pinakasikat sa lahat, ang pasakalye ng “Smoke On The Water” ng Deep Purple.

Nakakalungkot minsan isipin na hindi natin nauunang matutunan ang sariling atin. Naaalala ko pa rin ang oras na ginugol sa mga kanta ng Asin, Freddie Aguilar, VST & Company, Rey Valera, Juan Dela Cruz Band, APO Hiking Society sa mga unang taon ng aking pag-aaral ng gitara. Ikaw? may alam ka ba na OPM?

Hindi lang sa makabagong tugtugin (contemporary) ang nalaman ko. Maging ang mga kundiman natin. HIndi naman dahil ito ay kabilang sa syllabus ng aking kurso, ito ay dahil sa gusto ko talaga itong tugtugin. Memoryado ko pa rin ang “Sampaguita” at ang “Saan Ka Man Naroroon”. Nakakahiya kasi kapag ako naman ang pinatugtog ng isang musikero ng isang musika na Filipino at hindi ko ito mapagbigyan. Nakakahiya. Kabisado mo man ang lahat ng Suite Ni Bach o ang mga piyesa ni Albeniz ay wala ka ni isang komposisyon na Filipino sa iyong listahan. Pag-isipan mo yan.

Nakikinig din ako ng mga kanta ni Gary Granada. Huli ko na lang nakilala itong magaling na musikero na ito dahil hindi rin naman kasi ganung kadali ang makakuha ng mga awitin nya.
May nagbigay sa akin ng isa sa mga CD nya, ang Gary Granada Live! (UP Theater). Nagkaroon din ako ng kopya ng Sa Pagitan Ng Ngayon at Kailanman. Salamat Musika!

Hindi ko tinatangkilik ang mga piratang CD na OPM. Bumibili ako ng orihinal na CD ng mga ito. Mayroon akong TVJ Tough Hits Volume One to Five, Joey To The World ni Joey de Leon, Joey Albert Greatest Hits, Sharon Cuneta Greatest Hits at iba pa.

Sa mga on-line na radyo tulad ng sa (www.surfmusic.de) nakatutok ako sa DZRH 666 khz, at yung sa Live 365, ang mga istasyong Heat Wave Radio Pacific at ang Classical Philippines.

Ikaw? Gaano ka ba ka-Pinoy?

Tangkilikin ang Sariling Atin!
Mabuhay ang Filipino!

1 comment March 25, 2009

Ano Ang Bagong Kuwento Sa Iyo?

Noong 2006, nagsimula ang ideya sa paglikha ng mga tunay at di-tunay na kuwento. Ang tawag ng ilan dito ay blogs. Pero para sa akin, ito ay isang bahagi ng ating isip na inilagay sa anyong salita na kapag pinagsama mo ay magiging isang kuwento.

Maraming pagbabago at mga patunay ang naganap ng mga panahon na iyon. Ang ilan ay mga sumusunod:

  1. marunong pala akong maglikha ng kuwento na may patungkol sa:

    1. pag-ibig
    2. respeto sa kalikasan
    3. mga taongpasaway
    4. kaibigan at kaaway
    5. musika
    6. sa likod
    7. superheroes
    8. kinalimutan ng panahon
    9. nakaraan
    10. pagkain
  1. Nang dahil sa mga kuwentong aking nalikha, may ilan din akong naging at di naging mga kaibigan. Parang isang musika rin daw ang paggawa ng kuwento, mayroon ka ring pinapahiwatig na mensahe o intensyon, gamit nga lang ang iyong panulat at sa mga mambabasa —mga mata.
  1. Nag-iba angimaginasyon ko sa mga bagay-bagay. Naging batayan ko ang araw-araw kong nakikita habang naglalakad o habang gumagawa ng tulog. Nakatulong din ang pagbiyahe patungo sa ilang lugar na paborito ko tulad ng kubeta, ilalim ng kama, freezer ng ref, basurahan, mini-groceries at iba pa.
  1. Lumawak ang maliit kong mundo sa paglabas ng sama ng loob. Kung dati ay sa musika lang ang tungo sa tuwing bigo, ngayon ay mayroon ng ibang pinto. Ang pinto ng paglikha ng kuwento.
  1. Habang umaandar ang isip sa pag-iisip, nagiging mabilis ang panahon at lumiliit ang oras ng paghihintay.
  1. Humanga ako sa mga manunulat lalo na iyong lumilikha ng mga mahahabang kuwento o nobela. Sa buong buhay ko, wala pa akong isang nobela na nabasa at natapos basahin. Kaya sa aking palagay ay hindi rin ako makakagawa ng isang tunay na nobela.
  1. Nadagdagan ang aking pasensya. Mapalad ang naghihintay. Hindi ko minamadaling makita ang bulaklak ng isang kakatanim pa lang na halaman.
  1. Naniwala ako na makapangyarihan talaga ang pluma kaysa sa paggamit ng dahas o bala. Hindi ako isang panatiko ni Rizal, ngunit sa kabilang banda ay naibahagi ko sa mga kaibigan at kaaway ang laman ng aking puso’t isipan.

Ngayong 2009, tatlo na ang opisyal na daluyan ng aking isipan — ang musika, ang potograpiya at ang paglikha ng kuwento.

Ikaw, paano mo inilalabas ang laman iyong isipan? Mainam na pakawalan ang lahat ng iyan. Marami kang pagpipilian.

Maaari mong hintayin. Maaari mong tiisin.At maaari mo ring isipin.

Add comment March 1, 2009

May Krisis Ba Talaga?

Anu ba talaga ang tunay na nangyayari sa mundo? Pabagsak na ba talaga ang ekonomiya ng ilang bansa? Sa tunay lang, ayaw kong malaman ang totoo. Nagdudulot lang ito ng lubos na pangamba at pilit nitong pinipihit ang pihitan sa utak ko — ang antisipasyon o ang pagiging maagap.

Naaalala ko tuloy ang mga nangyari noong 1999, alam mo iyon? yung tungkol sa Y2K? Ang sabi ng ilan ay babagsak ang mga ilang industriya na gumagamit ng computer o nalilinya sa teknolohiyang makabago. Pero wala namang nangyari na malaki ang naging epekto sa bansa di ba? Mabuhay ang makalumang sistema! He he he.

Ganun pa man, ang dapat lang na gawin sa ganitong sitwasyon ay ang maghanda at magtipid. Dahil wala naman talagang nakakaalam kung ano talaga ang susunod na mangyayari.

Ang blog na ito ay nangangahulugan lamang na may pakialam na ako sa mga nangyayari sa paligid ko, dati kasi ay hindi naman masyado. Konti lang dahil hindi naman ako maapektuhan noon. Pero ngayon ay iba na, dahil may mga nakalatag na akong mga makabuluhang plano para sa kinabukasan ko at sa kinabukasan naming dalawa ng mayumi kong kabiyak na si Juvy.

Sa kasalukuyan, ipa-pagpatuloy lang ang mga nasimulan na pangako sa sarili ako. Ang ilan sa mga ito ay sumusunod:

(1) Ang pagbubuo ng Guitar Ensemble. Mayroon na akong posibleng 15 hanggang 20 estudyante na tutugtog ng ilan sa mga areglo kong piyesa :

Mexican Hat Dance, La Bamba, William Tell Overture, Pirates of the Caribbean, James Bond 007 Theme, Mission: Impossible Theme, The Godfather Theme at iba pang musika kasalukuyan pang ginagawan pa ng areglo. Patnubay ng Maykapal ang kailangan.

(2) Ang pag-iwas sa pagbili o pagtingin ng mga bagay (elektroniks) na hindi naman talaga kailangan. (laptop, mobile phone, external hard drive, DSLR, atbp)

(3) Ang pagkain sa mga restaurant na medyo mahal at pagbili ng mga luto na pagkain. Maging ang mga pagkain na may cocoa.

(4) Ang pagbabasa (araw-araw) ng ilang aklat o artikulo na may kinalaman sa musika at sa pagtugtog ng gitara.

Ganun lang. Maghanda sa kinabukasan at manatiling positibo sa lahat ng bagay — nangyari, nangyayari at mangyayari.

Add comment January 23, 2009

Mga Kuwento Sa Likod (reissue)

Kuwento #1

Ako rin, nasa likod lagi. Sumayo ang apelyido ko kaya sa likod madalas
pinapaupo. Pero nakikiusap ako kung puede ako sa harapan, kunwa’y
malabo ang mata. Yun ang sabi ng nanay ko. Isa pa, kulang din ang
height ko kaya medyo sapat na dahilan na yun. Payag naman ang mga naging guro ko. Mula sa mababang paaralan at halos hanggang sa kolehiyo, ganun ang sitwasyon at nalulusutan naman.

Maingay sa likod. At nahandun na halos ang mga tamad, mga nangongopya pag exams, ang mga antukin at ang mga ayaw makinig kay prof. Pero siyempre, narun din ang mga matatangkad, wa silang choice, kasi isipin mo na lang kung
sa harap sila uupo, alangan at sala sa paningin o wala sa ayos.

Pag medyo tinanghali ng gising, at may trapik sa Rizal Avenue, paniguradong sa likod ang uupuan at minsan, magtatangkang makalusot na hindi makita ni ma’am.

Ikaw nasa likod ka rin ba?

Kuwento # 2


Kapag magbabayad, magtatanong o may bibilin—sa pila. Token sa LRT, sa
department store, sa grocery, sa pagkuha ng NBI, sa pagsakay sa dyip
pauwi, pagkuha ng health card, pag-verify sa NSO, pag magwi-withdraw sa bangko, follow-up ng transcript sa registrar at maging pagbili ng hotdog sa 7-eleven. Lagi akong nasa likod.

Madalang akong mauna sa pila. Pero ayos na rin kasi may pagkakataon ka pang makapagtanong dun sa tao sa harapan mo. Lalo na pag wala kang idea sa pinilahan o nagdadalwang-isip kung bibilin ang hawak o hindi. Swak! Pag nasa sa likod din, nalalaman mo kaagad kung tama ba ang pinilahan mo, para di
ma-elads.. Ganun lang, magmasid-masid muna, he he he. Doon sa likod.

Ilang galon ba iyang nainum mong beer? Ihing-ihi na ako. Kanina pa ako dito sa likod mo.

Kuwento #3

Ako, kanina lang puro likod ang nakita ko (December 25, 2005). Pero siempre
yung likod ko, tanaw rin nila. Grabe ang misa sa simbahan dito sa Dubai. Sa St. Mary’s, ang daming tao, parang rally, parang Edsa
Revolution. 10 minuto mahigit bago ka makalabas ng compound. Puro likod. Hindi namin akalain na “Indian Mass” pala yun. Kaya madaling makilala ang mga kasama kong Pinoy. Sa likod nila, yung buhok ay hindi kulot. Ang mga Indian kasi, kulot at itim na itim. Saka yung amoy nila sempre, pagpasensiyahan na lang.

Kahit hindi nakaharap ang mga kasama ko, kilala ko ang likod nila. Mabuti na lang at nasa likuran ako, kasi nalalaman ko kung nasaan sila, hindi magkakawalaan. Ganun lang. Puro likod talaga. Tama ba yun?

Kilala mo ba yung nasa likod mo? Malamang na hindi.

Kuwento #4

Pag bibili ako ng pagkain, lalu na pag sitserya tulad ng chippy, Pringles,
Magnolia Chocolait o kahit ano, malamang na binabasa ko pa ang mga bagay-bagay sa likuran nun. Kung anung mga nutrition facts,
ingredients, company name, ganun. Kaya, matapos malaman ang mga ganung bagay, sige, bibilin ko na iyon! Oops, pati nga pala ang instruction sa pagluluto ng pancit canton at paminsan-minsan, may free na recipe sa likod ng century tuna. Ayos! Wala sa harap, nasa likod lagi iyon.

Pag bibili rin ng mga mp3 players, DVD players, laptops, cellular phones,
CDs or DVDs, lagi na lang tumitingin ako sa likod ng kahon nito. Kung
ano ang features, kung saan gawa (kadalasan naman ay made in China at
pag made in Japan—panalo!) at kung ano ang description ng movie or
games na nabili. Lahat sa likod nakasulat.

Importante na mabasa ko muna ang nasa likod ng mga bibilin ko, para sigurado at hindi magsisisi sa huli. Huwag tumingin masyado sa harapan, sa likod
nakasulat ang mga dapat basahin.

Ikaw, nagbabasa ka ba muna ng mga nakasulat sa likod?

Kuwento #5

Nag-iikot
kami minsan sa isang mall dito sa Dubai, to be exact sa Carrefore, City
Centre. Naghiwa-hiwalay kasi iba-iba naman ang trip naming tingnan.
Yung iba sa pagkain, ako sa mga electronics. Pucha, ang naging prublema
lang ay paano ko sila makikita, eh nagkataon ba naman na wala akong load sa mobile ko. Buti na lang ay nakasuot ng jersey itong kasama ko, kaya no doubt na nakita ko kaagad siya. Kasi di ba, yung apelyido ang nakasulat sa likod.

Sa sports, importante ang nakasulat sa likod ng mga uniform or gears ng mga players. Nakasulat nang malaki ang numbers at apelyido. Nakakita ka na ba ng apelyido na nakasulat sa harap? Kadalasan sa likod nakasulat, kahit nga yung referee may ganun din. Exempted lang si Tito Varela dun sa PBA, kahit hindi ka na tumingin sa likod o sa harap, kilala mo na siya kasi kalbo iyon eh!

Ano kaya ang feeling ng mga nagsusuot ng jersey ng mga sikat na players?
Uy, alam mo kaagad pag si Jordan kasi number 23 at Jaworski naman kasi
number 7. Kaya, yung iba, feeling Jordan sila, pero hindi naman. Tapos pag Jaworski ay nakakatakot guwardiyahan baka kasi sikuhin o hawiin ka. Pag sinuot mo naman yung sarili mong jersey na may number o yung apelyido mo, feeling magaling ka naman. Ingat lang din sa pagsusuot lalo na mga shirts na may nakalagay na POLICE o FBI sa likod. Who knows, baka mayari ka pa, mapagkamalan ba.

Kuwento #6

Ang haba na ng buhok ko, pagupit na ako. Pagkatapos magupitan, yung likod
lagi ang gustong makita, request pa ng salamin. Kung anu nga naman ang
hindi nakikita, yun ang dapat laging siguradong nasa ayos. Tapos minsan, lagi tayong nagtatanong pagkatayo sa isang upuan ng “marumi ba yung puwitan ko?” o pagkasandal ay “marumi ba yung likod ko?”, ganun lagi.

Ang isang masarap sa likod naman ay pag minamasahe na ito. At ang pinakaayaw ko at nakakairita ay pag binatukan ka naman. Pag kinakalabit ka o sinungayan pag may picture taking, pag hinampas ng paddle sa frat. At ang laging parusa ni Nanay pag may nagawang hindi maganda—ang palo sa puwitan ng sinturon o patpat. Sa likod, hindi mo alam kung kailan o kung paano ang mga mangyayari. Sa likod lagi iyon, hindi sa harap.

Pero ang pinakamasarap sa lahat sa likod ay iyong kamutin mo ito.

Kuwento #7

Pupunta si nanay sa palengke, sama kaya ako? Eh ang kaso hindi ako pinayagan. Ang style ko, susundan ko si nanay. Hindi alam ni nanay na nasa likuran nya ako kaya ganun, pag nalaman nya, mapipilitan na nya akong isama.
Iyon nga lang, may kapalit na pingot sa tainga yun! Atleast nakasama pa rin, he he he.

Si Beth, ang childhood crush ko, siguro mga grade 4 pa ako nun. Lagi ko siyang sinusundan pag nagbibisekleta yun. Sempre sa likod lagi ako, para hindi halata na sinusundan ko siya, pag tumingin siya eh, focus kaagad sa bike ko kunwari! Para akong aso na sumusunod kahit saan magpunta! Ganun din naman ang alaga kong kambing, panay ang sunod nun sa akin, sinusuwag ako madalas sa likod ko, sa puwitan ko!

Pag may mga politiko o mga VIP na tao, laging may convoy sa likuran yan at bodyguards. Ang mga ambulansya o mga pulis, marami sa likuran para makasiguro sa kaligtasan ng mga tao sa harapan. Kahit ako rin, pag may kasama ako paglalakad sa kalsada, lalu na pag babae o nanay ko, lagi kong sasabihin, “after you…”. Respeto ang ibig sabihin pag nasa likuran ka at sempre tanda iyon ng paggalang.

Sinu-sino ba ang mga nasa likuran nina Enrile at Ramos nung Edsa Revolution?

Kuwento #8

Uy, showing na ang pelikula ni Mel Gibson, nood naman tayo. Maraming tao sa baba, sa taas na lang tayo. May mga bakanteng upuan pa dito. Oops! As expected, puro partner-partner dito. Sa likuran, sa pinakalikod ang
target place. Sempre, para makasimple ng yapos at halik. At dun din sempre lumulugar ang mga pirata na kumukuha ng mga bagong palabas gamit ang camcorder kaya tuloy minsan nakakakita ng mga tumatayo o mga ulo sa mga nabili kong VCD o DVD. Sa likuran kadalasan nagaganap ang mga ilang kalokohan natin di ba? Pero sa bus o sa dyip, hindi ako lumilikod o sa estribo nauupo, sa harapan lagi ako. Kasi ang mga hinahablutan at hino-holdap ay yung mga nasa likuran kadalasan.

Sa Space Shuttle sa Enchanted Kingdom, mas nakakahilo pag sa pinakalikod ka naupo. Pero ang biyahe sa FX papuntang Monumento— the best sa likuran! Kasi hindi masyadong masikip. Pag sa LRT, sa harapan at sa gitna ay masikip, at sa likuran naman, 75% ang chances na makakasakay kasi maluwag. At pag
nagmamadali, kahit na delikado, sasabit na lang sa likuran ng dyip. Sigurado namang may bababa na pasahero sa bayan kaya okey lang.

Ang mga loyal fans ng Barangay Ginebra ay nauupo at lumulugar sa likuran.
Naroon ang mga Cheering Pang-asar Squad at yung mga nambabato ng
baryang piso, pag sa palagay nila ay nagkakadayaan na.

Naku! Andyan na si Ma’am, upo tayong madali sa likod! Pucha baka tawagin ako nun, hindi ako nag-review.

Kuwento #9

Madalas ang mga aksidente sa daan dito sa Dubai. Panay banggaan ng mga sasakyan. As usual, pag may banggaan, lagi ang nasa likod ang may kasalanan at ang mananagot. Ang madalas na kumikitil sa buhay ay ang
mga bagay sa likod natin. Nagkaroon ng stampede minsan noong Ramadan
dito, maraming tao na galing sa pagsamba. May sumigaw na may bomba! Iyon, takbuhan lahat, tulakan. Hindi alam kung sino ang tumulak sa mga likod nila. Hanggang sa matuwad, matapakan ng libu-libong beses, hanggang sa hindi na makahinga at tuluyan nang namatay. Puro bata at babae ang hindi pinalad na makaligtas dun. Huh.

Mabali na ang ilang buto mo sa katawan, wag lang ang buto sa likuran o yung spine natin. Tapos ka! Lumpo na kaagad at mapa-paralisa. Kahit nga iyong
tapik lang sa likod ay sobrang sakit, yun pa kayang mabalian ng buto sa likod.

Isang bambo na malakas sa batok— tulog! Isang sipa sa likod ng tuhod— tumba! At isang palo ni Nanay sa puwet— magtanda ka!

Kaya pakiusap lang, wala pong tulakan sa likod.

Kuwento #10

“Hindi na tayo puedeng magkita, alam na nina Mommy ang relasyon natin—
maghiwalay na tayo! “, sabay talikod ng babae kay Juan. Ang pagtalikod ay isang paraan kung paano tapusin ang isang bagay. Kaya ganun, habang dumurugo ang puso ni Juan the lover boy, ang tanging tanaw lang niya ay
ang likuran ng babaeng pinakamamahal ngunit mabilis na lumalakad palayo sa kanya. Ang sakit nun.

Isang araw, natanaw ni Juan sa likuran ng isang taxi ang dating kasintahan. Oops! May kasamang iba! Akala ko ba naman ay mahigpit ang parents kaya sila nag-break? Huh, asar- talo si Juan. Ang sarap batuhin nga naman ng likuran nung taxi.

Sa paghingi ng tawad, sa pagpigil ng galit, ang pagpapasensya at pagmamakaawa, sa likod lagi ang punta o ang dapat hawakan.

Ilang beses na ako nakasama sa paglalakad pag may ililibing. Sa likod ng
karo, andun ang mga mahal sa buhay ng namatay. Sa bawat hakbang ay may
luha na tumutulo at hinihiling na malayo pa sana ang sementeryo para
makapiling pa kahit sandali. Kita ko sa likod ang bawat anggulo ng
lungkot at ang ilang bahagi ng pagsisisi. Ganun lang.

Ang huli kong natanaw bago ako pumasok sa airport papuntang Dubai ay ang likuran ng dyip na sinakyan ng mga naghatid sa akin. Nakakalungkot. Nakakaiyak.

Kahit na masakit, pilit pa ring tinitingnan ang likuran ng mga bagay-bagay at
pagkakataon na minsang inilayo sa akin ngunit nagbibigay naman ito ng
pag-asa.

Kuwento #11

Isang buwan na ata akong hindi nakakapaglinis ng kuwarto ko, makapaglinis nga. Medyo sinipag ako kaya pati likod ng cabinet ko, lilinisin ko. Ang daming dumi. Sa paglilinis ay nakakita ko ang papel na nakasiksik at puno na ng alikabok. Uy, telephone number ng kaibigan ko ang nakasulat. Matagal ko nang hinahanap ito ah, narito lang pala. Matawagan nga at alamin kung buhay pa ito.

Ang mga nasa likod talaga, kung hindi mo papansinin o bibigyan ng panahon, hindi mo malalaman ang halaga nito. Parang yung kaibigan ko na hindi masyadong iniintindi ang wallet sa bulsa niya sa likod, kaya iyon… nadukutan. Nahandun pa naman yung driver’s license nya, yung ID sa school, ilang resibo, registration card at maging yung pictures ng ex-girlfriend nya. Ako nga, kahit
backpack ang tawag sa bag ko, madalas ko itong pinupuwesto na harapan
ko kung saan makikita ko nang maige. Mahirap na.

Kaya wag ding balewalain ang mga bagay na nakasulat sa likod ng mga truck: Distancia Amigo, Caution: Right Hand Drive. At mga kotse na may nakasulat na
“Baby on Board”. At maging yung mga company vehicles na may nakasulat
na: “How’s My Driving?”. Pero okey na i-ignore ang ilang nakasulat sa likod ng ilang public jeep tulad ng “Katas ng Saudi”, “Basta driver…Sweet Lover”, “Sakay na Sexy” atbp.

Madalas ko ring makita sa ilang sasakyan ang sticker ng “El Shaddai”. Naalala ko tuloy si Brother Mike, na sabi nila na sa likod ng taong ito ay ang
magagarang sasakyan at mga mala-palasyong tahanan. Nasalo mo ba ang panyo ng El Shaddai na inihinahagis mula sa stage? Malas mo lang kung nasa likod ka, hindi ka makakaagaw. He he he.

Kuwento #12

Nag-work ako minsan sa ABS-CBN bilang isang gitarista sa isang soap opera, ang Recuerdo de Amor. Ang scene ay ganito, nanghaharana si Dante Rivero nun, habang kumakanta siya at may hawak na gitara. Ngunit di naman talaga siya ang tumutugtog. Kunwari lang siya at ako ang narun sa likod niya (pero hindi kita sa camera), ang tumutugtog. Doon ko nalaman kung gaano ka-importante ang tao sa likod ng isang production, lalo na pag mga ganun. Ang mga cameramen, lightmen, mga P.A. at sempre, si Direk. Sa likod ng isang matagumpay na pelikula ay ang matiyaga at magagaling na staff. Kaya nga kahit konti lang ang naitulong mo sa pelikula o sa isang production, isasama ka pa rin sa end credits.

Sa likod daw ng isang matagumpay na lalaki ay isang babae… Ewan ko lang kay
Ferdinand Marcos o kay Mike Arroyo kung ganoon nga ang sa kanila. Parang yung kaibigan ng kaibigan ko, sobrang yabang nun! Lagi niya kasing kasama yung girlfriend nyang pamangkin ni Mayor Atienza. Ganun talaga minsan. Tumatapang, yumayabang, nakakalimot, nagiging suplada at feeling pogi ang isang tao pag nasa likod ng isang kilalang artista, sikat na manlalaro, hepe ng pulisya or major sa army o makapangyarihan sa pulitika.

Ikaw, sino ba ang nasa likod mo at ang angas-angas mo?

Kuwento #13

Madalas akong makinig sa radyo, AM o FM. Curious kasi ako sa boses ng mga DJ. Sino kaya ang tao sa likod ng mga sexy at mga machong boses? Kadalasan ay sablay ang hitsura— matataba, mukhang boksingero, ganun. Pero puhunan lang naman talaga ang boses sa ganung profession, kaya okey lang.

Kahit sa mga cartoons. Ang nagda-dub pala sa boses ni Bart Simpson ay isang babae. Si Tom Hanks naman ang kay Woody sa Toy Story. Kahit yung mga unang pelikula ni Joyce Jimenez, Alice Dixon at Kris Aquino, hindi nila boses yun. Yung mga artista na kumakanta sa show ni German Moreno na kadalasang lip sync, hindi nila boses yun! Kilala mo ba ang Milli Vanilli? He he he.

Mapanlinlang talaga ang mga nasa likod ng mga bagay-bagay. Parang puppet show. Parang si Arturo na co-teacher ko dati, ang laki-laki at ang macho-macho ng boses, bading pala! Si Arnie rin na napagkamalan ni Dr. Feliciano (dating dean namin sa college of music) na babae kasi nakatalikod habang nagpi-piano. At sempre para ring padding sa likod ng bra ni Susan.

Kuwento #14

Sa kalagitnaan ng panonood ng sine, bigla ba namang nag-brown-out! Huh, lagi na lang ganun, may balat ata ko sa puwet. Bakit ang balat sa puwet
ang malas? Eh iyong balat sa braso, sa batok, sa binti? Ang puwet, sa
pagkaka-design ng Diyos Almighty sa atin, ito ay laging nasa likod.
Kahit ang mga hayop din di ba?

Ang ilang mga mababaho at marurumi ay nasa likod. Mula sa utot hanggang sa ebak. Ang paborito ni Tekla the dyokla—ang anal sex. Ang pagsisiga ni Erpats ng basura ay sa likod-bahay namin. Ang mga hasang at bituka ng isda, pinagkainang hipon at alimasag ay ibinabaon ko rin dun. At maging ang aso kong si Barbie (10 years kong naging aso), inilibing ko rin dun. Sa Edsa, ang mga maiitim na usok ng sasakyan ay lumalabas sa tambutso na nasa likod din.

Ang mga mababaho, marurumi, napaglumaan, mga busted na bombilya, mga
tsongke boys, mga ilang kilong sulat ng ex-GF at ang mga gustong tumakas, tulad nung magnanakaw na pumasok sa bahay namin na parang si James Bond ay dumaan din sempre— sa likod-bahay namin.

Kuwento #15

“Ba’t kaya ayaw akong ipasok ni coach?”, pucha binangko na naman ako, 4th quarter na at tambak naman ang kalaban. Huh, sa likod lang lagi ako ni
coach at taga-tapik sa likod ng mga teammates ko pagkatapos ng time
out. At pag natalo naman dahil sa hindi mo na-shoot ang free throw, si coach naman ay tatapikin ka sa likod. Pang-alis dismaya yun.

Parang semana santa, may mga nagpe-penitensya, pang-bawas kasalanan daw iyon. Panay likod ang pinapalo pero pagkatapos ay talon sa dagat at inuman
ulit ang tropa!

Pinapatahan ko ang pamangkin ko, umiyak dahil nakita na naman itong si Mang Boy na kapit-bahay namin. Sa likod ko hinilot at hinaplos kasi medyo mahina ang baga nun. Tumahan naman. Nung umiyak din ako dahil sa sinira ng Kuya ang padalang robot ni Tatay na galing pang Saudi, sa likod din ako hinaplos ni Ate.

Sus ginoo! Ibenta na kasi iyang oner natin ‘tay, nakakainis na iyan. Pag hindi
kasi nag-ii-start, tinutulak namin. Sempre sa likod ang puwesto ko para
maganda ang buwelo. Mabuti na lang at kinabit na ni tatay ang basketball ring sa likod namin, makapag-shooting at makapag-onsehan mamayang hapon pag wala ng araw.

Kuwento #16

Ang boring naman nitong teacher na ito. Panay basa lang sa libro. Walang
wenta. Pag ganito ang mga teacher, ang una kong ginagawa ay magsulat ng
kung anu-ano sa likod ng cattleya notebook ko. Sempre, kundi si Voltes
5 ang idu-drawing, isusulat ko naman ng iba-ibang style ang pangalan ko. Kaya pag manghihiram ako ng notes sa mga classmates ko, tinitingnan ko lagi ang likod nito, very weird at interesting ang mga nakasulat dun. Minsan yung mga crushes nila, celfone numbers, FLAMES (uso pa ba ito?), pangalan ng mga sikat na banda o artista, bungo, tic-tac-toe, at kung anu-ano pa.

Pag pipilas din sa notebook ng ilang pahina ay sa likod din, kahit na wala pa namang sulat ang mga unang pahina. May bagong padalang picture ang Ate, kaso di naman sinulatan ang likod ng kahit anong dedication. Dati, pag manghihingi ka ng picture sa kaklase mo o sa secret crush mo, naman po, pakilagyan naman ng sulat sa likod. Pero ngayong digital photos na ang uso, captions na ang inilalagay, pero iba pa rin ang sincerity ng sulat kamay sa likod ng picture ‘no?

Kuwento #17

Gising nang maaga na naman, ROTC sa Fort Bonifacio. Dami naming mga cadets na wala namang ginagawa dun. Kumikita ang mga opisyal dito mula sa maiinit na softdrinks at malalamig na pizza pie (umiinit naman sa sikat ng araw). Panay palo sa likod ang inaabot ko pag medyo na-late ako nang
pasok. Yung mga kupal na sadsad ang buhok ang mga epal dun! Kamote
naman ang utak, malakas lang ang boses.

Sa mga ilang laban, hindi naman lumulugar sa harapan ang mga opisyal. Panay dikta lang iyon at utos lang ang mga iyon. Tapos yung mga nilalagay sa harapan ay sempre ang mga private o mga bagong recruit. Napanood ko iyong The Last
Samurai, although may konting usap muna ang mga opisyal sa simula, pag
banatan na, lumilikod na ang mga opisyal. Pero pagkatapos ng laban, sa mga opisyal pa rin ang honor at credits.

Ang pinaka-confusing na order ng mga opisyal : Harap sa likod…harap! He he he.

Kuwento #18


Saan nakasuot ang kapa ni Superman at Batman? Sa likod.
Saan nakalagay sa kotse ang stroller ni baby? Sa likod.
Saan nagtago ang kalaguyo ni Monica nang dumating ang asawa niya? Sa likod.
Saan nakalagay ang suksukan ng speaker ng bagong DVD player ni Pot-Pot? Sa likod.
Saan nakalagay ang makina ng kotseng-kuba (Volks) ? Sa likod.
Saan dumaan si Judith nung nakipagtanan siya kay Esteban? Sa likod.
Saang bahagi ng pinto nakasabit ang pantalon ni Uncle? Sa likod.
Saan nagpunta si Dina nung makita ang crush niyang si Harry? Sa likod.
Saan nakatahi ang logo ng pantalong Levi’s at Guess? Sa likod.
Saang bahagi ng katawan inilalagay ni Lola ang munting tuwalya pag pawisan? Sa likod.
Saan ako titingin para malaman ko na nakasuot ng T-Back si Susan? Sempre, Sa likod.

Kuwento #19

Pards, ‘wag kang gagalaw…papatayin ko iyong ipis sa likod mo! Ang daming ipis dun sa una kong accommodation, maliliit na ipis lang naman. Kaya asahan mo sa likod ng cabinet ay may pulong ang mga ipis. Nag-request kami ng
Pest Control at iyon, napuksa lahat sila!

Mahirap talagang makita ang nasa likod natin. Kaya nga madalas ang aksidente pag may umaatras na sasakyan. May mga nababangga, naiipit at nagugulungan.
Hindi sapat ang rear view mirror minsan. Kaya pinapababa ako ni Tatay
pag aatras siya….kasya, kasya… oops!

Naalala ko tuloy si Ram (nag-impluwensya sa akin sa paggi-gitara), nung sinapok siya mula sa likuran ng isa naming schoolmate. Maangas daw kasi si Ram, pero hindi naman. Traydor ang mga ganun ano? Hindi muna inaantay na humarap. Pero pag pulis ka at tinutukan mo sa likod ang criminal, huwag mo na itong antayin humarap!

- written January 2006

Add comment August 20, 2008

Walang Pangako, Walang Hanggan

sky


Sa tuwing nakikita kita, nais ko na lagi kitang niyayakap. Parang unang pagkakataon lagi ang bawat pagtatagpo. Hindi ko maiwasan na gawin at isipin ko ang lahat ng maaaring magawa sa tuwing naririyan ka sa tabi ko. Sinasamantala hangga’t may oras. Hangga’t ikaw ay natatanaw.

Hindi na kita puedeng iwan. Pinasaya mo na ang puso at isipan kaya hindi ko na makikita ang dahilan na limutin pa kita. Bilang isa sa nagmamahal sa iyo, aaminin ko na naging mahina ako sa mga bagay na naglayo ng aking sarili sa iyo. Ngunit ngayong naririto ka na sa piling ko, hindi ko na hahayaan na kahit anino mo pa ay lumampas at lumipas. Hihigpitan ang kapit ngunit hindi ka maiipit.

Kahit nakakalimutan ko ang pagkain, napupunan ng pagmamahal mula sa iyo ang aking kagutuman. Nagiging basa ang natutuyong lalamunan ng iyong makapangyarihang haplos mula sa aking mga daliri hanggang sa aking katawan. Pinaniniwala ko ang bawat bagay sa paligid na ikaw ay hindi
kailanman magugunaw at matutunaw. Laging mag-aalab.

Minsan ka ngang nagdudulot ng sakit at pighati sa tuwing ikaw ay naiipit o nasasakal, nagiging lubos pa rin ang pag-ibig ko sa iyo. Ito ay walang katulad. Walang puedeng ihanay para tapatan ang mataas na pagmamahal na nanggagaling sa iyo. Mabubuwang ang maghahangas. Manghihina sila at magtataka. Susuka at hindi magiging payapa.

Sa katunayan lang, hindi ko maririnig ang gustong marinig hangga’t di ko ito tinatanong sa iyo. Kailangan mo ako para ikaw ay makapagsalita. Sa aking mga kamay, ikaw ay aawit nang may tunay na kabuluhan at pagtangi. Sasaya na naman ang bawat sandali.

Ang pagmamahal ko ang magtutulak para makita mula sa iyo ang mga kulay na hindi ko nakikita sa mundo. Sa kabila ng iyong ngiti, ay ang hindi mabilang na paghanga. Matinding paghanga na hindi mawawala. Katulad ng langit at ng mga tala.

Umiinit ang panahon at huwag kang manlalamig. Sasabay tayo sa pag-iibang anyo ng daigdig. Kahit isang saglit ay gusto kong marinig na patuloy ang iyong pagmamahal at pag-aaruga. Maluma man ang mga tanong ng nakaraan at ang mga sagot ng kasalukuyan, tayo pa rin ay tunay na magmamahalan.

Nagapi man ng mga armas na pandigma ang kalayaan ng isang bansa, sa iyong mga mata at tinig, maitataguyod muli ang adhika at ang ilaw ng pag-asa. Hindi ko man narinig ang pangako sa iyong mga bibig, sa tuwing ikaw ay naririyan, pakiramdam ko naman ay walang hanggan.

1 comment June 18, 2008

Superhero

bat

“Ayoko nang maging Superhero!!! ”, ang galit na sambit ni Jumpy The Bumpy.

“Bakit naman Jumpy? “, ang tanong ko na may konting concern.

“Ayoko nang magligtas ng mga naaapi at mga nangangailangan ng tulong; nakakasawa na rin at ang mahirap pa nyan ay lagi silang umaasa sa iyo at kapag wala namang prublema ay hindi ka naman hinahanap…”, ang asar at sagad sa galit ni Jumpy.

. . .

Walang ibang kahulugan ang salaysay at pag-uusap namin ni Jumpy The Bumpy. Pero ramdam ko ang hinanakit at poot sa kanyang kabuuan habang sinasabi ang lahat ng ito.

Minsan din tayong naging superhero. Habang ang isa sa ating kaibigan ay nasa gitna ng matindi at komplikadong sitwasyon, papasok tayo sa eksena at tutulungan natin sila. Matapos nito ay gagamitin na nating tulay ang ating nagawa para pasukin naman ang kanilang saloobin o puso.

Hindi maaaring tumanggi ang ating tinulungan. Madalang ang ganitong pangyayari. Ang pakiramdam nila ay mabuti ka at hindi isang masamang tao. Hindi ka dapat matakot sa ngiti ng buwaya, ang “ngiting-aso” ang mas delikado.

Siya nga pala, ako si Batman. Ako ang dahilan kung bakit ayaw na ni Jumpy The Bumpy na maging superhero. Kasi pilit nya akong ginagaya at akala niya siguro ay babagsak ako matapos niyang iligtas si Viki Vale. Tandaan mo, ako si Batman, wala akong main love interest. Huwag mo akong itulad kay Superman o Spiderman. Nga pala, tropa ko rin si The Punisher, in other words, we really don’t care.

Marami pa akong resources na hindi niya alam. Hindi nga niya alam na ako si Bruce Wayne. Wala akong special powers pero may utak ako.

Wala kasing ibang gawin si Jumpy The Bumpy kundi ang “tumalon, tumalo, at mambangga.” Kaya secondary lang sa kanya ang tumulong. At saka hindi yan marunong lumingon sa pinanggalingan niya. Mas malalim sana ang isip niya sa akin pero hindi lang siya marunong gumamit ng kakayahan niya.
Kumbaga, puro yabang at pasikat.

Maging malinaw sana ang ating mga pakay pag balak natin na maging isang superhero. Hindi madali iyon. Wag sanang gamitin sa ibang pagkakataon, tulad sa chicks o para maka-iskor kung saan mang ballgame.

Tulong lang. Parang isang paniki sa Gotham City.

Add comment June 18, 2008

Bulkan Ni Plado

Episode 1 – Ang Simula ng Gulo

Isang magandang umaga ang bumungad kay Plado ngunit habang siya ay nag-iinat, may pumutok na baril at siya ay biglang dumapa at natabig niya ang lumang paso na may tanim na kaktus.

“Aray ko!!! Sa tingin ko ay mas masakit pa itong tusok ng kaktus kaysa dun sa bala ng baril na sa tingin ko ay ako ang habol…”, ang naghahabol-hiningang sambit ni Plado.

Saksi ako sa bawat aberya at gulo ni Plado. Siya ay ang aking kaibigan at kaklase sa kolehiyo. Lagi kaming magkasama sa mga sabit nya at sempre sa mga kalokohan niya.

Ang pinaka-unang gulo na kinasangkutan ni Plado ay noong kumakain siya sa isang restaurant na ang specialty ay bulalo. Naasar siya at nag-reklamo sa waiter dahil malamig pa sa bangkay ang binigay sa kanyang sabaw ng bulalo.

“Bakit naman ang lamig ng sabaw nito?!”, ang pagtatakang tanong ni Plado sa waiter.

“Sir, hindi po namin sinasadya, papalitan na lang po namin…”, ang mabilis na
sagot na waiter na halos namumula na sa takot. Habang dinadala na ang bagong bulalo ni Plado, nabuwal bigla ang waiter at natapon ang mainit na mainit na sabaw nito sa bagung-bagong damit ni Plado na binigay pa ng kanyang ninong na galing pa sa States.

Sa pagkakataong iyon, doon na nagsimula ang gulo sa buhay ni Plado.

Episode 2 – Naudlot na Pagdumi

Lumabas kami ni Plado sa isang bingohan matapos naming manalo ng 350 pesos. Malaki na iyon para makakain sa carinderia ni Aling Tony na may anak na kahawig ng Lola ko.

“ Oh, ituro mo na ang gusto mong kainin Plado…tandaan mo, mayrun tayong 350 pesos!”, ang sabi ko na may pagmamalaki ngunit kabado rin baka kapusin ang pera.

“ Mayrun ba kayong bulalo Aling Tony?”, ang tanung ni Plado.

“ Naku! Kahapon namin ulam iyon…tuwing Martes iyon kasi mas malamig at mahangin ang panahon sa araw na iyon…dumaraan kasi dito iyong asawa ni Aling Marta na sobrang yabang…”

“ Ay, ganun ba? Sa gayun ay bigyan mo na lang ako ng kahit anong mainit na
sabaw dyan sa mga ulam nyo…”, nagtatakang pakiusap ni Plado.

Mahilig talaga sa sabaw itong bespren ko. Kahit ano ang
kainin ay dapat mayroon na umuusok na sabaw sa tabi ng kinakain nya. Sabaw lang ay ulam na.

Marami kaming nakain at dali-dali kaming umuwi at sumakay kaagad ng tricycle dahil nadudumi na itong si Plado.

“ Tol, bilisan mo naman dyan sa motor mo, baka hindi na ako makaabot sa bahay namin at dito na ako abutan.”, nanginginig na pakiusap ni Plado.

Pagdating namin sa bahay nila, dali-dali siyang tumakbo, kinuha ang dyaryo, naghuhubad habang tumutungo sa CR, binuksan ang pinto at naupo sa kubeta. Binulatlat ang dyaryo at nag-pokus at biglang nag-brown-out.

Patay ang exhaust fan, mainit at walang ilaw. Hindi sanay dumumi si Plado nang walang ilaw at walang binabasang dyaryo.

Naudlot tuloy ang pagdumi. Sayang. May mga naghihintay pa naman sa poso-negro.


Episode 3 – Kaninang Kanin

ROTC. Salamat naman at uwian na dahil wala naman talagang kuwenta ang training na ito. Tuturuan ka kung paano magutom. Pagkatapos tuturuan ka ring kumain ng malamig na pizza pie at uminom ng mainit na softdrinks.

Attendance na puedeng i-forge ng isa sa mga kaklase ko or ka-platoon. Hindi ka nga lang talaga puedeng matulog sa buong training.

Sa labas ng kampo ay maraming nagtitinda pero dahil sa gustong magtipid para
may pang-date sa girlfriend, sa bahay na lang kakain para ayos!

“ Plado, bili na lang kaya tayo ng barbeque dyan sa kanto nina Aling Tony? Para sa bahay na lang natin kainin, may sinaing naman ako kaninang umaga. “, pagmamalaki ko.

“Akala ko ba ay magtitipid tayo? “, pagalit na tanong ni Plado.
“ Sasagutin naman ni Eday ang date naming bukas kaya okay lang…”, paliwanag ko.

“ O, sige ikaw ang bahala, dagdagan mo na rin ng bituka ng manok at damihan mo iyong suka ha?, ang sabik na pakiusap ni Plado.

Habang naglalakad patungo na sa bahay namin ay may nadaanan kaming Mami House. “ Sandali lang, bili na rin kaya tayo ng sabaw dito?, ang padilat pang tanong ni Plado.

“ Uunahan na kita, walang bulalo dyan okay? Puro mami lang dyan…”, ang paliwanag ko habang ina-amuu-amoy ko ang barbeque. “Alam ko naman yun…pero meron silang brownies dito kaya bibili na rin ako para sa dessert natin…at meron ding ice cream, may atchara pa…ayos! Kumpleto na ang
tanghalian natin!, “, ang super-sabik na pagsasalita ni Plado.

Pagdating namin sa bahay, dali-daling naghain itong si Plado. Naglagay na ng pinggan, baso, pitsel na may yelo at mga kubyertos.

Hinanda ko naman ang mga binili naming kanina sa labas —- ang barbeque, bituka ng manok, suka, ice cream, atchara at yung brownies. Mabilis na ring nagtungo itong si Plado sa rice cooker para magsandok na ng kanin.

“Anak ng… nasaan yung kanin dito? Akala ko ba ay nagsaing ka kanina? “, ang pagalit at maluha-luhang tanong ni Plado.

“ Naku, nagpunta nga pala si Tatang Rene kaninang tanghali. Kinain niya iyong kanin dyan sa rice cooker”, ang malayong pasigaw na paliwanag ng nanay ko.


Episode 4 – Hostage

Pauwi na kami ni Plado patungo sa bahay namin. Galing kami sa skul.

“ Bakit kaya trapik manong? “, ang tanong ko sa driver ng dyip.

“ Mayroong ginagawang daan dyan sa kanto, nagta-trapik kasi naging one way…” , paliwanag ng driver na may kasama pang kamot sa ulo.

Sa paghihintay sa dyip at para pang-alis inip, nilabas ko muna yung celfone at nagbasa ako ng mga lumang messages sa inbox. Matapos kong basahin iyon ay naglaro na lang ang isip ko sa mga nakikita kong tao.

“ Ha! Ha! Ha! ….” , ang biglang paghalaklak ni Plado.

“ Nakakagulat ka naman, Plado…ano na naman ang pumasok dyan sa isip mo at bigla kang tumawa nang ganyan? “, ang nagulat kong pagtatanong.

“ Naalala ko kasi yung klase natin kanina. Habang nagtatawag si Ma’am ng attendance, imbis na masabi nya ang apelyidong Siochi—– Sioke ang lumabas sa bibig nya, hehehe!”, ang mangiyak-ngiyak pang kuwento ni Plado.

“ Oo nga eh…para ngang na-offend tuloy itong si Siochi. Sa bagay, may hinala rin ako sa taong yun…kasi minsan may ibang kislap ang mga mata nya pag tumitingin sa akin…hehehe! “, ang pabulong kong sagot kay Plado.

“ Ang tawag ko sa mga taong iyon ay “Hostage”…kasi hostage nila ang sarili nila. Tapos ang tanging ransom sa ganyan ay acceptance…”, ang malalim na paliwanag ni Plado. Kahit kasi maloko itong si Plado ay may sense din naman ang mga sinasabi kung minsan. Madalas kasing magbasa iyan ng Lakbay-Diwa sa Tempo.

“ Ayy, salamat naman at umandar na itong dyip na ito. Siya nga pala Plado, pagkababa natin ay mauna ka na sa bahay, kasi dadaanan ko muna iyong pinagawa kong sapatos dyan sa Mr. Quickie…”, ang banggit ko kay Plado habang tinitingnan ko ang magandang chikas na naglalakad.

Makalipas ang 20 minuto, biglang tumawag sa celfone ko itong si Plado. Nanginginig ang boses at halos naiiyak na.

“ Pumunta ka nang madali rito, tulungan mo ako!!! “, takot na takot na pagsasalita ni Plado.

“ Ha?! Anu bang nangyari? Nasaan ka ba? “, nangangamba ngunit may dudang tanong ko.

“ Narito ako sa kanto na malapit sa bahay ninyo…Hostage ako….hostage ako ng dalawang aso rito…hindi ako makatawid kasi habang gumagalaw ako, sumusunod at tumatahol! “

“ Ganun ba? Hintayin mo ako…magdadala na rin ako ng pang-ransom…puede na kaya ang buto? “, ang natatawa kong sinabi kay Plado.


Episode 5 – Sizzling Hot Sisig

“ Pards, itagay mo na ‘yan! “, ang halos matuwad-tuwad na pagsasalita ni Plado.

Nag-ayang uminom ang isa naming tropa sa skul at inabot kami ng pagtilaok ng manok. Maraming nainom itong si Plado. Halos hindi na nga makalakad pag-uwi namin. Ang mahirap nga lang ay mayroon kaming exam mamaya sa Chemistry.

Laking gulat ko nang nakapasok pa itong si Plado sa skul.

“ Ayos ka Plado! Mabuti at nakapasok ka pa…!”, ang pang-aasar kong sinabi kay Plado.

“ Siyempre naman, exam ata ngayon! “, ang mayabang na sagot ni Plado habang siya ay nagbabasa at kunwari ay nagre-review.

“ Sa bagay, paborito mo kasi itong subject na ito dahil makikita mo ang pinaka-gusto mong Professor….”, ang pang-aasar na sinabi ko ulit kay Plado.

Sa lahat kasi ng subject, itong Chemistry ang pinaka-alanganin kay Plado. Masyadong mahigpit ang Prof. Tapos, super boring at makunat magbigay ng grade.


Pagkatapos ng exam ay dumiretso kami kaagad sa canteen at umasa na may makain na bago. Lagi kasing half-cooked ang mga burger, maging ang iced tea ay hindi lasang tsaa. Saka amoy lemon ang mga kutsara.

“ Pards, tikman mo itong inorder ko — Sizzling Hot Sisig….!”, ang pagmamalaki ni Plado na akala mo naman ay bago ang kinakain pero iyon din naman ang kinain niya kahapon.

Halos lahat sa skul ay kilala kaming dalawa bilang “best buds” pero ang iba naman ay napapagkamalan kaming mag-dyowa. Kasi kahit saan ay parang anino na namin ang isa’t-isa. Kahit nga noong namatay ang alaga nyang rabbit, kaming dalawa ang naglibing.

“ Pards, di ba may lakad kayo ni Eday ngayon? Bakit naririto ka pa? “, ang pagtatakang tanong ni Plado habang nginu-nguya nya ang sisig.

“ Hinahantay ko lang ang text nya Plado…kapag nag-text siya ay sibat na ako
kaagad at iwanan na kita dito…”, ang mabilis kong pagsagot kay Plado.

Ilang sandali pa ay may dalawang bading na naki-share sa table namin at parang iba ang tingin sa aming dalawa. Sa mga oras ding yun ay hindi sinasadyang nanguya ni Plado ang siling-labuyo doon sa kinakain nyang sisig.

“ Pards, iwanan na kita…naryan na ang girlfriend ko….! “, ang pasigaw kong sinabi kay Plado habang ako ay lumalakad nang mabilis palabas ng canteen.

Halos lumuluha na itong si Plado dahil sa nanguya nyang sili at napansin iyon ng dalawang bading na ka-share nila sa table.

“ Heto ang tissue…punasan mo ang luha mo…marami pa namang lalaki dyan na magmamahal sa iyo…”, ang sabi ng isa sa mga bading na may matching himas pa sa likod ni Plado.

- - - - - - -

Add comment June 16, 2008

Dyaryo Na Naman


Continue Reading Add comment February 15, 2007

Nela Custodio (Eng.)


Continue Reading 1 comment December 28, 2006

Iguhit Ang Araw Para Hindi Umulan


Continue Reading Add comment December 20, 2006

Previous Posts


Categories

Links

Meta