Kulang Sa Alat
February 22, 2006
Nagluto ako ng itlog Ka Igme kaninang umaga. Agahan ko kasi iyon kasama ang
isang pirasong tinapay. Ang ganda ng hugis ng itlog at hindi pa ito dumikit sa
aking lutuan. Buong-buo ang pula. Buong-buo rin ang araw ko. Isang itlog, isang
tinapay.
Kasama ko sa bahay si Lucia. Pero hindi ko siya kailanman nakasabay sa pagkain
ng agahan. Tuwing ako ay gising, siya naman ay nakapikit at nakalapat ang buong
katawan sa higaan. Nakasanayan ko na rin ang ganitong sitwasyon. Nagta-trabaho
siya sa isang magarang hotel at ang kanyang oras ay pang-gabi. Ako naman ay
isang mekaniko ng mga bisikleta dito sa lugar namin.
Hindi namin makuhang pag-usapan ang sitwasyon namin. Nangangamba ako na baka
mawala na ang aming pagtitinginan at pagmamahalan. Kuntento na ako sa isang ngiti
at isang tingin nya sa tuwing siya’y magpapa-alam na sa gabi patungong trabaho.
Hanggang sa isang araw ay nakita ko na may naghatid sa kanya pag-uwi, may oto
pa ito.
Ano ang nangyari Ka Igme? Bakit nagkaganun?
Ani ni Ka Igme:
Masustansya ang itlog at ako’y natutuwa na iyon ang iyong agahan. Ngunit ako ay
may katanungan, naglalagay ka ba ng asin? Maingat ka man sa paghuhubog ng itlog
at iniiwasan mong madikit ito, hindi pa rin ito magiging husto kung ang lasa ay
matabang.
Nabasag na ang itlog mo ngayon, hindi na buo ang pula at dumikit na sa ito
lutuan matapos mong malaman ang ginagawa ni Lucia sa iyo. Huli na ang lahat,
dapat noong una pa lang ay nilagyan mo na ng asin ang itlog sa mga sandaling
ito ay nasa lutuan pa.
Sa tingin ko, hindi kumakain si Lucia ng matabang na piniritong itlog.
Kulang sa alat. Kulang sa alat ang niluluto mong itlog.
Entry Filed under: Si Ka iGme at ang Kanyang Higanteng Alaala. .
Leave a comment
Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>
Subscribe to the comments via RSS Feed