Tumingin Sa Araw, ‘Wag Sa Buwan

April 25, 2006

       

moon and sun


Sumakay ako sa
isang dyip kaninang umaga at nakasabay ko si Shai. Dahil sa siya ang nauna sa
loob nito, dali-dali niya akong binayad ng pamasahe. Pasakay pa lang daw ako ay
hinanda na niya ang kanyang munting lalagyan ng barya. Hinantay nya muna akong
tumingin at saka pa lang siya nagmadaling nagbayad.

 

Banaag ko pa rin sa
mukha ni Shai ang natural na ngiti na minsan din akong pinahanga. Pero kung
titingnan mo siya nang husto, mapapansin mong unti-unti ang tunay na kulay ng
kanyang puso.

 

Habang kami ay nasa
dyip, natanaw ko ang lumang paaralan namin at itinuro ko iyon kay Shai. Napansin
ko ang biglang pagkalungkot ng kanyang mga maliliit na labi at sa kanyang
malumanay na mga mata. Ako naman itong nabahala at tinanong ko siya kaagad,
“Bakit Shai, ano ang prublema?” Hindi siya sumagot at dali-dali siyang pumara.
Bumaba siya at ako’y naiwan lang na nakatulala habang papalayo ang sinasakyang
dyip.

 

Gusto ko sanang
bumaba at sundan siya ngunit sadyang importante ang oras na ito para sa aking
pag-aaral. May malaking pagsusulit kami sa siyensya at etiks kaya naisip ko man
na alamin ang dahilan sa naganap, binuklat ko na lang ang aking libro at pilit
na nagbasa ng ilang pahina.

 

Pinuntahan ko noong
hapong ding iyon ang bahay nina Shai pagkagaling ko sa paaralan. Kumatok ako sa
pinto at bumungad sa akin ay ang kanyang ina na halos nabigla ngunit mga ilang
segundo lang ay nagalak at hindi ko naman mawari kung bakit. “Pumasok kang
madali dito, iho!”, ang ipit na pasigaw niya. Sumunod naman ako. Nakaramdam na
ako ng takot ng mga sandaling iyon. “Ano ho ang nangyayari at nasaan ho si
Shai?”, ang nauutal kong tanong.

 

Hindi rin siya
sumagot at inabot lang sa akin ang isang papel. Magtatanong pa
sana ako ngunit halos itulak niya na ako
palabas ng bahay nila. Nagpaalam pa rin ako sabay kamot sa aking ulo.

 

Binulatlat ko ang
papel na ibinigay sa akin at ito ang nakasulat: “Tumingin sa araw, ‘wag sa
buwan…” Madalas ko itong mabasa pero hindi ko alam kung saan ko iyon nakita.

 

Pag-uwi ko sa bahay
ay hinalughog ko ang mga lumang gamit at aklat. Tiningnan ko isa-isa ang lahat
ng mga iyon maging ang mga likuran nito. Halos lahat ng aklat ko ay may mga sulat
ni Shai. At ganun din ang nakasulat: “Tumingin sa araw, ‘wag sa buwan…”
Naguluhan ako bigla at napaisip nang husto sa nabasa.

 

Habang inuusisa ko
ang ilang aklat, dumating si Inay. Nanlaki ang mga mata ni Inay nang makita
nya ang ginagawa kong pagbabasa sa mga libro. “Anak… may mga
bagay na hindi ko makuhang sabihin sa iyo. May mga pagkakataon na gustuhin ko
man ay hindi ko magawang ipagtapat sa iyo…”

 

Isang mabilis na
paglingon ang ginawa ko. “Ano po ang hindi ko alam Inay? May kinalaman ba ito
sa mga nakasulat sa mga librong ito?”, ang tanung ko. Hindi sumagot si Inay at
dali-dali siyang pumasok sa kanyang silid. Mga ilang sandali lang ay nagbalik siya
at may inabot sa akin. Isang sulat iyon na ako ang nagkatha at ito ang
nakasulat:

 

 

Mahal Kong Shai,

 

Maaaring pagkatapos
ng lahat ng ito ay hindi na kita makikilala. Maaaring mapawi na ang lahat ng mga
alaala ko sa iyo. Lubhang mapanganib ang pag-alis ng tumor sa aking utak. May
mga bagay na maiiwan, magugulo at mawawala sa aking isipan. Ang pagmamahal ko
sa iyo ay baka tuluyan na ring maglaho. Nakakalungkot ngunit ito lang ang tanging
paraan para magpatuloy ang aking buhay.

 

Kung mayroon man
akong hiling sa mga sandaling ito, iyon ay ang makapiling ka nang mas matagal
hangga’t buo pa ang aking isip.

 

Umaasa at
nagmamahal,

 

Den

 

Ang tanging lunas
sa panunumbalik ng aktibong pag-iisip ay ang natural na proseso. Ang kusang
malaman at maitindihan ang mga bagay na lumipas na at darating pa. Hindi na ako
nagtanung kay Inay tungkol sa sulat na iyon.

 

Gumising na lang daw
ako nang maaga bukas at tanawin ang araw at ang buwan. Yun nga ang ginawa ko.

 

Nakita ko ang
buwan…wala namang makitang kakaiba ngunit nang pagmasdan ko ang araw habang
pasikat ito sa silangan, natanaw ko rin nang bahagya ang mataas na bahay nina
Shai.

 

Ngayon ay
nanumbalik na sa aking isipan ang ibig sabihin ang lahat ng ito. Sa tuwing ako
ay lalabas ng bahay at titingin sa silangan, matatanaw din ako ni Shai mula sa
ikawalang palapag ng bahay nila at magmamadali na siyang bumaba para makasabay
niya ako sa paglalakad patungong terminal.

 

Ang hindi ko lang
maintindihan ay kung bakit sa loob ng 5 taon, kahapon ko lang nakasabay ulit si
Shai sa dyip.

 

Entry Filed under: Mga Kuwento Ni Lex. .



Leave a comment

Required

Required, hidden

Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>

Subscribe to the comments via RSS Feed


Calendar

April 2006
M T W T F S S
« Mar   May »
 12
3456789
10111213141516
17181920212223
24252627282930

Most Recent Posts