Kalahating Anino
May 8, 2006

Ang
sarap ng tulog ni Ihan. Dahil sa pasikat na ang araw, kailangan kong
magmadali sa pagkilos at bago pa magising itong si Ihan, dapat ay
nakalabas na ako sa pintuan na ito. Isusubo ko na lang sana ang isang
pirasong tinapay, naramdaman kong bigla na parang kumikilos ang aking
anak. Sabay alis ako dala ang isang munting lalagyan ng tubig at
nagbigay ng isang sulyap sa kanyang ina.
Araw-araw
ko pa ring naiisip si Yaeri, ang kanyang ina, sa tuwing ako ay titingin
ngunit hindi nasisilaw, doon sa haring araw. Palagiang nangangarap na
siya ay muling makasama kahit na ilang minuto. Kahit na isa ngunit
buong sulyap, kahit na isang titig sa kanyang mala-talang mga mata.
Kung
sino pa ang dapat manatili, siya pa ang nawawala kadalasan. Tanaw ko
lagi sa aking mga alaala ang kanyang kalahating anino. Nagsisilbi itong
lakas ng loob at pag-asa na ipagpatuloy pa ang buhay. Ipagpatuloy na
kahit humihinang unti-unti ang mga dugtungan sa aking katawan.
Lakad dito, lakad doon. Ang mga dyaryong pinagkukunan ng konting barya sa maghapon ay magbigay din sana
ng magandang balita sa akin. Hindi ko sinasadya ang lahat ng ito.
Uminit ang makina ng aming sinasakyang bangka. Sa lakas ng sabog na
halos sumira sa aming bangka maging sa aking tainga’t mata, nabitawan
ko ang mga kamay ni Yaeri at siya ay nalaglag sa maasul ngunit
nangingitim na alon ng dagat.
Matapos
ang hindi inaasahang pangyayari, itinuring ko na isang tapos na
kabanata ang lahat ng ito. Wala na akong silbi sa kanila. Ano ang
magagawa ng isang tulad ko na hindi na maipinta ang mukha at hindi na
halos makakita’t makarinig? Kalahating anino lang ang kaya kong matanaw.
Hindi
na dapat nila ako tanungin sa aking ginawang desisyon. Tama na hindi na
ako maging bahagi ng tahanang iyon. Marahil ay hindi rin ako
magugustuhan ni Ihan dahil sa hitsura kong ito. Matatakot iyon. Hindi
mo na kasi halos makikita ang aking mga mata. Sadyang malaki pa ang
isang butil ng bigas sa aking mga mata. Ganun din naman ako, hindi rin
kita makikita nang husto. Madilim, masukal at mahapdi.
Dapit-hapon
na sa palagay ko. Ubos na kasi ang tindang dyaryo. Magtutungo na muli
sa aking munting tahanan na hindi na kailanman magkakaroon ng liwanag.
Matutulog na muli. Isang oras bago sumikat ang araw bukas, magtutungo na ako kina Ihan.
Papakinggang pilit ang kanyang paghinga, ang pagkaluskos sa papag at tatanawin ang kalahating anino ni Yaeri.
Entry Filed under: Mga Kuwento Ni Lex. .
Leave a comment
Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>
Subscribe to the comments via RSS Feed