Nela Custodio
May 14, 2006

Kahit
na wala pa naman akong balak umuwi ay napipilitan na akong maghanda sa
pag-uwi dahil baka sakaling makasabay ko si Nela sa paglalakad
papuntang terminal maging sa pagsakay sa tren. Simbolo si Nela ng isang
maliwanag na kinabukasan ngunit sa libu-libong pintuan na dinaanan at
nabuksan, mailap pa rin ang pagkakataon na kami ay magkasalo kahit man
lang sa isang pangungusap.
Walang
ibang alam si Nela kundi ang ako ay iwasan. Daig pa niya ang langis sa
tubig. Ang isang kriminal sa pulisya. Ang isang puting damit sa putikan.
Sa
pagkakaalam kasi ni Nela, ako ay isang disipolo ni Judas. Ang tanging
balita na nalaman nyang mabuti ay iyong ginawa kong pag-amin na
nakabasag ng salamin sa mata ni Maestro Hubi, ang guro namin sa
ekonomiks. Ngunit hindi naman talaga ako ang may gawa. Niligtas ko lang
ang kalagayan ng isa kong kamag-aral dahil sa siya ay napapabilang sa
mga iskolar ng paaralan.
May oras din kami ni Nela. Kung hindi man ngayon, ang lahat ng araw ng taon ay naghihintay sa akin. Para sa amin.
Tapos
na naman ang ekonomiks. Tayuan at labasan na ang lahat. Uwian na naman.
Ganun pa rin si Nela. Dali-dali nyang inilagay ang mga gamit sa kanyang
makulay na bag. Ilang sandali pa ay nahulog ang kanyang panulat at
gumulong malapit sa aking mga paa. Pinulot ko ito. Aabot ko sana kay
Nela ngunit wala na siya kaagad sa paligid. Wari’y hindi niya napansin
na nahulog iyon.
Tulad ng isang
imbestigador, inilagay ko sa isang plastik ang panulat. Iniwasang
mabahiran ng kahit konting bakas o alikabok. Pagka-uwi ko sa bahay ay
inilagay ko ito malapit sa aking orasan. Para sa bawat umaga
pagkagising ay matatanaw ko ito.
Pagkamulat
sa umaga ay kaagad kong nakita ang panulat ni Nela. Subukan ko kaya?
Ang unang pumasok sa isip ko ay isulat ko ang aking pangalan ngunit
bigla kong naisip ang pangalan niya at iyon nga ang naisulat ko — Nela Custodio. Sinubukan ko ulit isulat ang pangalan ko ngunit ang pangalan niya pa rin ang naisulat ko — Nela Custodio.
Ibabalik ko na ang panulat na ito. Bukas na bukas.
Ilang
libong beses ko nang ipinikit-dilat ang mga mata ko sa buong
silid-aralan ngunit wala akong nakitang Nela. Sayang naman ang
pagkakataon, hindi pala siya pumasok. At habang hawak ko ang panulat,
sinubukan ko ulit na isulat ang pangalan ko. Sablay talaga, ang
pangalan nya pa rin ang naisulat ko — Nela Custodio.
Habang
ako’y naglalakad patungo sa kainan ng paaralan, natanaw ko si Nela na
nag-iisa sa isang hapag-kainan. Lubhang masaya siya at may kaunting
pagtataka habang tinitingnan ang isang papel. Lakas-loob akong lumapit
sa kanya para i-abot ang kanyang panulat at baka malay natin, ito na
iyong hinihintay kong pagkakataon.
“Nela…ito nga pala ang iyong panulat”, ang nanginginig ko pang sinabi. Lubhang nagulat siya.
“Kailan pa sa iyo iyang panulat ko?”, ang mahina niyang itinanong.
“Pasensya ka na Nela, matagal ko na dapat naibigay sa iyo ito ngunit
hindi ka nakapasok noong araw na iyon…”, ang natataranta kong
ipinaliwanag.
“Salamat…”, ang
sabi nya na may ngiting kaunti. “Walang anuman. O, sige Nela, alis na
ako…”, ang mabilis kong sinabi. Habang ako’y palayo na sa kanya, bigla
nya akong tinawag.
Ipinakita nya sa akin ang isang papel at ang sabi niya:
“Nakapagtataka.
Hindi ko sulat ang mga ito. Dahil sa alam kong wala na akong pag-asa para maipasa ko pa ang ekonomiks, hindi na ako pumasok sa ating huling
pagsusulit. Nakakatuwa dahil pumasa ako…”
Ngayon
ko lang napagtanto na noong araw ng aming huling pagsusulit, hindi
aking pangalan ang naisulat sa papel ng pagsusulit kundi ang pangalan
niya — Nela Custodio.
Entry Filed under: Mga Kuwento Ni Lex. .
1 Comment Add your own
Leave a comment
Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>
1. 'm nt missin u' | November 1st, 2006 at 3:54 am
hi… can i kol u as ‘kuya Lex’? (para kunwari close tayo…)anyweys… ang saklap naman ng kapalaran ng admirer ni Nela… sakit pa naman sa ulo ng ekonomix…
at kuya Lex just want u to know na inspired ako sa mga akda mo… ibangon ang wikang tagalog… (oh well… basta yun na yun…)
take care… xox