Payong Kaibigan
May 16, 2006

Sulatan
mo ako. Patunay na ako ay iyong pag-aari. Itanong man nila kung kanino
ako napapabilang, malalaman nila kaagad dahil sa iyong mga sulat. At
maaari din namang sabihin at ipaalam mo sa kanila mismo na ako ay iyo
talagang pag-aari.
Mapadaan ka man
sa lugar ng mga mahilig magbiro, sadyang maaasahan mo ako. Matibay ako
para sugpuin ang banta ng kalikasan. Isabak mo ako at ipang-katok sa
mga taong may matitigas na ulo.
Pagpasensyahan
mo na minsan kung hindi ko napapagbigyan ang ilan sa iyong mga
kaibigan. Maliit lang ang kaya kong sakupin. Maintindihan mo sana iyon.
At saka isa pa, ayaw ko rin naman na may kasama ka ‘pag ako ay nasa
iyong piling. Manigas sila sa inggit.
Natutuwa
nga ako dahil kahit mapusyaw at luma na ako ay nariyan ka pa rin sa
tabi ko. Kitang-kita ko sa iyong mga mata kung gaano ako kahalaga,
sakali mang dumating ang ilang pagdidilim ng langit sa iyong mga mata.
Patunay lang na kahit makakita ka man ng iba na may taglay na ganda ay
hindi mo ako kailanman ipagpapalit.
Konting
pagbaluktot ko sa mga pagsubok, inaayos mo kaagad at mabilis na
gumagawa ng paraan upang ako ay tumibay at magpatuloy. Kahit ako’y
matuluan ng hinagpis ay pinupunasan mo ang bawat bahagi ko. Ayaw mo na
ako’y makulob at maiwan sa isang sulok. Minu-minuto ay binabantayan mo
ako.
Maingat mong binubuksan ang
aking puso’t damdamin. Hinahayaan mong ikaw na lang ang mahagip ng
makapangyarihang hangin dahil alam mo na hindi ko iyon kakayanin. Ganun
ka sa akin mag-sakripisyo.
Hindi
man tayo minsan magkasama habang ikaw ay natutulog, sigurado naman na
bago ka lumabas ng bahay ay hahagingan mo ako ng kahit isang sulyap.
Isasama kahit pa labing-anim na hakbang lang ang paglayo mo sa ating
munting-bahay.
Kung tutuusin, ako
lang ang iyong kaibigan sa gitna ng lumuluhang langit. Hawakan mo lang
ako nang mahigpit at hindi kita iiwan sa anuman. Pangako ko sa iyo ito.
Tandaan mo, ako ay laging naririto para sa iyo, umulan man o umaraw. Maghihintay lang na iyong hugutin, ibulatlat at ibuka.
Kahit anong oras. Kahit saan.
Dahil ako ang iyong mahiwagang payong.
Entry Filed under: Mga Kuwento Ni Lex. .
2 Comments Add your own
Leave a comment
Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>
1. ely | July 5th, 2006 at 11:18 pm
just enjoying the way you talk to your blog.. i got no time to write like that.. it helps to read blogs like yours! funny entertaining and sometimes confusing…
2. ricz | June 19th, 2007 at 12:56 am
ayos.tara kain ulit tayo..(2nd time around)hehe..