Sa Panaginip ni Ben
May 7, 2006

Halos lahat ng kaarawan ni Lila
ay naroon ako, maging ang ilang pagsalubong sa bagong taon ay
kasa-kasama ko siya. Saksi ang mga magagarang kuwitis at ilaw sa langit
at ang maliliit at malalaking regalo na inabot ko sa kanya. Punong-puno
ito ng pagmamahal na lampas pa sa pagiging pagka-kaibigan namin.
Ang lihim na pagmahahal na tanging kumot at unan lang ang laging nakakaramdam. Mahal ko si Lila.
Mag-isip
ng paraan para ang magkailanmang pagki-kimkim ay maging makatotohanan.
Paano ko sasabihin sa kanya ang aking pagmamahal? Paano ko hahawakan
ang kanyang mga kamay? Paano ako titingin sa kanyang mga mata?
Sa panaginip.
Ilang
libong beses ko siyang inisip ngayon para mamayang gabi sa aking
pagtulog ay baka mapaniginipan ko siya. Pagkagising ko ay dali-dali
kong isinulat ang aking napaniginipan. Para yatang hindi tumalab. Ni
anino niya ay hindi ko nakita.
Tumayo
ako, binuksan ko na lang ang bintana at nagpahangin. Ilang saglit pa ay
nakita ko si Lila. Nagmamadali nyang isinasara ang kanilang pinto
habang may isang oto na tumigil sa kanyang harapan at doon siya sumakay.
Wala
naman akong pasok ngayon. Makahiga nga ulit. Hindi ko namalayan na
nakatulog pala ako. Pagkagising ko ay dali-dali kong isinulat ang aking
napanaginipan. Naroon si Lila ngunit hindi ko naman nasabing mahal ko siya.
Ito
marahil ang solusyon. Hindi ko dapat siya iniisip nang husto para nang
sa gayun ay makasama ko siya sa bawat panaginip. Subalit mahirap ang
ganitong solusyon. Mahirap na hindi ko siya isipin. Bawat lugar o bagay
na makita ko, pinapagalaw ni Lila ang isipan ko.
Heto na naman ako sa walang kalatuy-latoy na maestra namin sa siyensya. Makaupo nga sa likod. “Ben,
gising!”, ang sabi ng katabi ko. Nagising ako at dali-dali kong
isinulat ang aking napanaginipan. Naroon si Lila ngunit hindi ko naman
nasabing mahal ko siya.
Halos
isang oras na ang nakakalipas at narito pa rin ako sa dyip na ito. May
naganap na banggaan sa kabilang kanto na naging sanhi ng trapik.
Sinandal ko na lang ang likod ko. “Iho, gising…hanggang dito na lang
ito.”, ang sabi ng tsuper ng dyip. Dali-dali kong isinulat ang aking
napanaginipan. Naroon si Lila ngunit hindi ko naman nasabing mahal ko siya.
May iba pa sanang paraan para sa aking krisis.
Habang
naglalakad sa kanto ay may narinig akong humaharurot na sasakyan. Iyon
ang huli kong narinig. Mabilis ang mga pangyayari. “Ben, gising!”, ang
sabi ni Lila. “Nasaan ako?”, ang sabi ko.
“Nabundol
ka ng oto. Nakipag-hiwalay ako sa aking nobyo nang mga sandaling iyon.
Dahil sa inis at galit niya, halos paliparin nya ang kanyang oto at
ikaw nga itong nahagip…”
Ang panaginip ay maaaring ngang kabaligtaran ng lahat.
Nagising ako at hindi ko naisulat ang aking napanaginipan. Naroon kasi si Lila sa tabi at nasabi ko — na mahal ko siya.
Entry Filed under: Mga Kuwento Ni Lex. .
Leave a comment
Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>
Subscribe to the comments via RSS Feed