Dyaryo Na Naman
February 15, 2007

Dyaryo
na naman. Isang pirasong tinapay at isang basong tubig. Araw-araw.
Walang patid ang ganitong sitwasyon. Nasasakyan ko pa rin naman kahit
na minsan ay binabasa na nang pabaliktad ang dyaryo dahil wala na
talaga akong mabasa.
Pagkatapos
basahin ay itatapon lang doon sa bandang gilid, sa tapat ng mataas na
bintana. Mahiwaga itong kulungan na ito. Hindi ko rin nga alam kung ano
ang nagawa ko at naririto ako sa loob. Sa aking pagkakaalam,
nagkahiwalay kami ng aking pag-ibig dahil sa ang kanyang ama ay galit
sa mga tulad namin. Kami na may mga pinag-aralan ngunit mapusok ngunit
maunawain.
Ang unang dyaryo na natanggap ko ay noong Enero 12, 1993.
Mahaba na ang buhok ko ngayon. Sinasabunutan ko na lang ang sarili ko
para kahit papaano ay malagas ang ilang hibla. Pinanghi-hilamos sa
mukha ang tirang tubig sa baso. At ginagawang unan, kumot at kama ang
santambak na dyaryo dito.
Kumusta na
kaya ang aking pag-ibig? Sa palagay ko ay nasa maayos na siyang
kalagayan. Hindi na ako kailangan nun. Tiyak na may sariling pamilya na
at may mga anak na rin na akay-akay. Kung ano ang iniwan kong
pagmamahal sa kanya, nanatili iyon sa aking puso. Laging naririto at
buong-buo.
Ang huling dyaryo na nabasa ko ay iyong isyu kahapon – Enero11, 2007.
Hindi ko namalayan na halos 14 na taon na pala ako dito sa kulungang
ito. Tumanda na rin siguro ang mga nagbabantay sa akin sa labas. At
tiyak na nagpalit na rin ng tao.
Ang
hindi ko lang maintindihan ay kung bakit dyaryo ang dumarating sa aking
pintuan sa araw-araw. Wala naman itong ibinibigay na magandang balita
sa akin. At kung bakit nananatili pa rin akong malakas at maayos nang
dahil lamang sa isang pirasong tinapay at isang basong tubig. Mahiwaga
ngang talaga ang lugar na ito.
Pagkagising
ko kinabukasan, natural na parang katas ng prutas na naman. Ganoon
ulit. Dyaryo, tinapay at tubig. At teka, mukhang may naiba ata… May
nakaipit sa loob ng dyaryo! Isang sulat. Isang sulat na ito ang
nilalaman :
Enero 12, 2007
Mahal Kong Nubel,
Patawarin
mo ako dahil ngayon lang ako lumiham sa iyo. Ngunit ito na rin marahil
ang magiging huling sulat ko sa iyo. Mahal na mahal kita. Sa loob ng 14
na taon, wala akong ibang inisip kundi ikaw. Ngunit naging mahigpit pa
rin si ama. Nagtungo kami sa iba’t-ibang bansa para ilayo lang sa iyo.
Huwag kang mag-alala dahil walang nagbago, ako pa rin ito… para sa iyo.
Ako
ang nagpapadala ng dyaryo. Hindi para sa iyong libangan o may basahin
ka. Isang simple ngunit mahabang paghahanda ang kinakailangan. Ito lang
ang aking naging paraan para makita kitang muli.
Bibigyan
kita ng isang linggo mula ngayon para ayusin ang mga dyaryo na iyong
natatanggap. Gagawa ka ng hagdanan gamit ang mga iyan. Isang hagdanan
na sana ay umabot dyan sa mataas na bintana. Mula roon ay makakalaya ka
at masisilayan na kitang muli.
Sana
ay mabasa mo pa rin ito. Sana ay buhay ka, na dala-dala pa rin ang
pag-asa sa iyong isip at damdamin. Magkikita na tayo aking mahal. Ito
na ang pagkakataon.
Laging Naghihintay at Maghihintay,
Adiela
Natapos kong gawin ang hagdanan. Natanaw ko na muli ang mga ulap sa langit.
Natanaw ko na rin si Adiela — ang pinakamagandang balita na natanggap makalipas ang 14 na taon.
Entry Filed under: Mga Kuwento Ni Lex. .
Leave a comment
Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>
Subscribe to the comments via RSS Feed