June 18th, 2008

Walang Pangako, Walang Hanggan

sky


Sa tuwing nakikita kita, nais ko na lagi kitang niyayakap. Parang unang pagkakataon lagi ang bawat pagtatagpo. Hindi ko maiwasan na gawin at isipin ko ang lahat ng maaaring magawa sa tuwing naririyan ka sa tabi ko. Sinasamantala hangga’t may oras. Hangga’t ikaw ay natatanaw.

Hindi na kita puedeng iwan. Pinasaya mo na ang puso at isipan kaya hindi ko na makikita ang dahilan na limutin pa kita. Bilang isa sa nagmamahal sa iyo, aaminin ko na naging mahina ako sa mga bagay na naglayo ng aking sarili sa iyo. Ngunit ngayong naririto ka na sa piling ko, hindi ko na hahayaan na kahit anino mo pa ay lumampas at lumipas. Hihigpitan ang kapit ngunit hindi ka maiipit.

Kahit nakakalimutan ko ang pagkain, napupunan ng pagmamahal mula sa iyo ang aking kagutuman. Nagiging basa ang natutuyong lalamunan ng iyong makapangyarihang haplos mula sa aking mga daliri hanggang sa aking katawan. Pinaniniwala ko ang bawat bagay sa paligid na ikaw ay hindi
kailanman magugunaw at matutunaw. Laging mag-aalab.

Minsan ka ngang nagdudulot ng sakit at pighati sa tuwing ikaw ay naiipit o nasasakal, nagiging lubos pa rin ang pag-ibig ko sa iyo. Ito ay walang katulad. Walang puedeng ihanay para tapatan ang mataas na pagmamahal na nanggagaling sa iyo. Mabubuwang ang maghahangas. Manghihina sila at magtataka. Susuka at hindi magiging payapa.

Sa katunayan lang, hindi ko maririnig ang gustong marinig hangga’t di ko ito tinatanong sa iyo. Kailangan mo ako para ikaw ay makapagsalita. Sa aking mga kamay, ikaw ay aawit nang may tunay na kabuluhan at pagtangi. Sasaya na naman ang bawat sandali.

Ang pagmamahal ko ang magtutulak para makita mula sa iyo ang mga kulay na hindi ko nakikita sa mundo. Sa kabila ng iyong ngiti, ay ang hindi mabilang na paghanga. Matinding paghanga na hindi mawawala. Katulad ng langit at ng mga tala.

Umiinit ang panahon at huwag kang manlalamig. Sasabay tayo sa pag-iibang anyo ng daigdig. Kahit isang saglit ay gusto kong marinig na patuloy ang iyong pagmamahal at pag-aaruga. Maluma man ang mga tanong ng nakaraan at ang mga sagot ng kasalukuyan, tayo pa rin ay tunay na magmamahalan.

Nagapi man ng mga armas na pandigma ang kalayaan ng isang bansa, sa iyong mga mata at tinig, maitataguyod muli ang adhika at ang ilaw ng pag-asa. Hindi ko man narinig ang pangako sa iyong mga bibig, sa tuwing ikaw ay naririyan, pakiramdam ko naman ay walang hanggan.


1 comment June 18th, 2008

Superhero

bat

“Ayoko nang maging Superhero!!! ”, ang galit na sambit ni Jumpy The Bumpy.

“Bakit naman Jumpy? “, ang tanong ko na may konting concern.

“Ayoko nang magligtas ng mga naaapi at mga nangangailangan ng tulong; nakakasawa na rin at ang mahirap pa nyan ay lagi silang umaasa sa iyo at kapag wala namang prublema ay hindi ka naman hinahanap…”, ang asar at sagad sa galit ni Jumpy.

. . .

Walang ibang kahulugan ang salaysay at pag-uusap namin ni Jumpy The Bumpy. Pero ramdam ko ang hinanakit at poot sa kanyang kabuuan habang sinasabi ang lahat ng ito.

Minsan din tayong naging superhero. Habang ang isa sa ating kaibigan ay nasa gitna ng matindi at komplikadong sitwasyon, papasok tayo sa eksena at tutulungan natin sila. Matapos nito ay gagamitin na nating tulay ang ating nagawa para pasukin naman ang kanilang saloobin o puso.

Hindi maaaring tumanggi ang ating tinulungan. Madalang ang ganitong pangyayari. Ang pakiramdam nila ay mabuti ka at hindi isang masamang tao. Hindi ka dapat matakot sa ngiti ng buwaya, ang “ngiting-aso” ang mas delikado.

Siya nga pala, ako si Batman. Ako ang dahilan kung bakit ayaw na ni Jumpy The Bumpy na maging superhero. Kasi pilit nya akong ginagaya at akala niya siguro ay babagsak ako matapos niyang iligtas si Viki Vale. Tandaan mo, ako si Batman, wala akong main love interest. Huwag mo akong itulad kay Superman o Spiderman. Nga pala, tropa ko rin si The Punisher, in other words, we really don’t care.

Marami pa akong resources na hindi niya alam. Hindi nga niya alam na ako si Bruce Wayne. Wala akong special powers pero may utak ako.

Wala kasing ibang gawin si Jumpy The Bumpy kundi ang “tumalon, tumalo, at mambangga.” Kaya secondary lang sa kanya ang tumulong. At saka hindi yan marunong lumingon sa pinanggalingan niya. Mas malalim sana ang isip niya sa akin pero hindi lang siya marunong gumamit ng kakayahan niya.
Kumbaga, puro yabang at pasikat.

Maging malinaw sana ang ating mga pakay pag balak natin na maging isang superhero. Hindi madali iyon. Wag sanang gamitin sa ibang pagkakataon, tulad sa chicks o para maka-iskor kung saan mang ballgame.

Tulong lang. Parang isang paniki sa Gotham City.


Add comment June 18th, 2008


Calendar

June 2008
M T W T F S S
« Feb   Aug »
 1
2345678
9101112131415
16171819202122
23242526272829
30  

Posts by Month

Posts by Category