Archive for March, 2009

Gaano Ka Ba Ka-Pinoy (Unang Bahagi)

Mabuhay! Kumusta ka kaibigan?

Pero teka, bago pa tayo lumayo sa usapan, isa lang ang gusto kong itanong sa ating lahat na Pinoy —- gaano ba talaga tayo “ka-Pinoy” ?

Ang ibig kong sabihin ay kung paano ba natin inaakap ang pagiging Pinoy natin. Maging ito ay sa pagsasalita, sa tinatangkilik na musika, sa pananamit, sa pagkain at sa iba pang bagay na talagang masasabi na PInoy tayo.

Nagtala ako ng ilang bagay na siguro ay kahit papaano ay mapapatunayan ko na kahit ako’y nasa malayong lugar at wala sa bansang sinilangan ay patuloy pa rin ang puso’t isipan sa pagtangkilik sa aking kulay kayumanggi.

Hindi ko naman masasabi na ako’y tunay na makabayan, ang sa akin lang ay gusto ko talagang madama ang pagiging Pinoy ko.

Magsimula tayo sa musika.

Kaya kong tugtugin sa gitara ang Lupang Hinirang nang buong-buo na may konting harmonya. Mas matutuwa ako pag ikaw na gitarista ay tinanong ko kung ano ang alam mong tugtugin sa gitara at dali-dali mong sasagutin na —- “…kaya kong tugtugin o tipahin ang pambansang awit natin na Lupang HInirang! ”

Kadalasan kasi ay puro pasakalye lang ng mga maka-Kanlurang awitin (western music) ang kaya ng ibang tugtugin.” Father and Son” ni Cat Stevens, “Wonderwall” ng Oasis, ” I Was Only Joking” ni Rod Stewart, “You’re All I Need” ng White Lion, “Never Say Goodbye” ng Bon Jovi, at ang pinakasikat sa lahat, ang pasakalye ng “Smoke On The Water” ng Deep Purple.

Nakakalungkot minsan isipin na hindi natin nauunang matutunan ang sariling atin. Naaalala ko pa rin ang oras na ginugol sa mga kanta ng Asin, Freddie Aguilar, VST & Company, Rey Valera, Juan Dela Cruz Band, APO Hiking Society sa mga unang taon ng aking pag-aaral ng gitara. Ikaw? may alam ka ba na OPM?

Hindi lang sa makabagong tugtugin (contemporary) ang nalaman ko. Maging ang mga kundiman natin. HIndi naman dahil ito ay kabilang sa syllabus ng aking kurso, ito ay dahil sa gusto ko talaga itong tugtugin. Memoryado ko pa rin ang “Sampaguita” at ang “Saan Ka Man Naroroon”. Nakakahiya kasi kapag ako naman ang pinatugtog ng isang musikero ng isang musika na Filipino at hindi ko ito mapagbigyan. Nakakahiya. Kabisado mo man ang lahat ng Suite Ni Bach o ang mga piyesa ni Albeniz ay wala ka ni isang komposisyon na Filipino sa iyong listahan. Pag-isipan mo yan.

Nakikinig din ako ng mga kanta ni Gary Granada. Huli ko na lang nakilala itong magaling na musikero na ito dahil hindi rin naman kasi ganung kadali ang makakuha ng mga awitin nya.
May nagbigay sa akin ng isa sa mga CD nya, ang Gary Granada Live! (UP Theater). Nagkaroon din ako ng kopya ng Sa Pagitan Ng Ngayon at Kailanman. Salamat Musika!

Hindi ko tinatangkilik ang mga piratang CD na OPM. Bumibili ako ng orihinal na CD ng mga ito. Mayroon akong TVJ Tough Hits Volume One to Five, Joey To The World ni Joey de Leon, Joey Albert Greatest Hits, Sharon Cuneta Greatest Hits at iba pa.

Sa mga on-line na radyo tulad ng sa (www.surfmusic.de) nakatutok ako sa DZRH 666 khz, at yung sa Live 365, ang mga istasyong Heat Wave Radio Pacific at ang Classical Philippines.

Ikaw? Gaano ka ba ka-Pinoy?

Tangkilikin ang Sariling Atin!
Mabuhay ang Filipino!


1 comment March 25th, 2009

Ano Ang Bagong Kuwento Sa Iyo?

Noong 2006, nagsimula ang ideya sa paglikha ng mga tunay at di-tunay na kuwento. Ang tawag ng ilan dito ay blogs. Pero para sa akin, ito ay isang bahagi ng ating isip na inilagay sa anyong salita na kapag pinagsama mo ay magiging isang kuwento.

Maraming pagbabago at mga patunay ang naganap ng mga panahon na iyon. Ang ilan ay mga sumusunod:

  1. marunong pala akong maglikha ng kuwento na may patungkol sa:

    1. pag-ibig
    2. respeto sa kalikasan
    3. mga taongpasaway
    4. kaibigan at kaaway
    5. musika
    6. sa likod
    7. superheroes
    8. kinalimutan ng panahon
    9. nakaraan
    10. pagkain
  1. Nang dahil sa mga kuwentong aking nalikha, may ilan din akong naging at di naging mga kaibigan. Parang isang musika rin daw ang paggawa ng kuwento, mayroon ka ring pinapahiwatig na mensahe o intensyon, gamit nga lang ang iyong panulat at sa mga mambabasa —mga mata.
  1. Nag-iba angimaginasyon ko sa mga bagay-bagay. Naging batayan ko ang araw-araw kong nakikita habang naglalakad o habang gumagawa ng tulog. Nakatulong din ang pagbiyahe patungo sa ilang lugar na paborito ko tulad ng kubeta, ilalim ng kama, freezer ng ref, basurahan, mini-groceries at iba pa.
  1. Lumawak ang maliit kong mundo sa paglabas ng sama ng loob. Kung dati ay sa musika lang ang tungo sa tuwing bigo, ngayon ay mayroon ng ibang pinto. Ang pinto ng paglikha ng kuwento.
  1. Habang umaandar ang isip sa pag-iisip, nagiging mabilis ang panahon at lumiliit ang oras ng paghihintay.
  1. Humanga ako sa mga manunulat lalo na iyong lumilikha ng mga mahahabang kuwento o nobela. Sa buong buhay ko, wala pa akong isang nobela na nabasa at natapos basahin. Kaya sa aking palagay ay hindi rin ako makakagawa ng isang tunay na nobela.
  1. Nadagdagan ang aking pasensya. Mapalad ang naghihintay. Hindi ko minamadaling makita ang bulaklak ng isang kakatanim pa lang na halaman.
  1. Naniwala ako na makapangyarihan talaga ang pluma kaysa sa paggamit ng dahas o bala. Hindi ako isang panatiko ni Rizal, ngunit sa kabilang banda ay naibahagi ko sa mga kaibigan at kaaway ang laman ng aking puso’t isipan.

Ngayong 2009, tatlo na ang opisyal na daluyan ng aking isipan — ang musika, ang potograpiya at ang paglikha ng kuwento.

Ikaw, paano mo inilalabas ang laman iyong isipan? Mainam na pakawalan ang lahat ng iyan. Marami kang pagpipilian.

Maaari mong hintayin. Maaari mong tiisin.At maaari mo ring isipin.


Add comment March 1st, 2009


Calendar

March 2009
M T W T F S S
« Jan    
 1
2345678
9101112131415
16171819202122
23242526272829
3031  

Posts by Month

Posts by Category